Nakikiisa kami sa pakikibaka ng mga mag-aaral ng University of Eastern Philippines sa Northern Samar laban sa tangkang komersyalisasyon ng unibersidad sa pamamagitan ng pagbabago ng tsarter nito. Nararapat ang kanilang panawagan na ibasura ang House Bills 9861 at 9414 na ihinain ng mga burukrata kapitalistang sina Marcelino Libanan, Christopher Sheen Gonzales at Jude Acidre, na naglalayong ilayo ang pampublikong pamantasan mula sa mga mag-aaral at samabayanang dapat pinaglilingkuran nito.
Ang tangkang komersyalisasyon ng UEP ay tinatabingan ng panukalangang pangalanan ito bilang National University for Sustainability Studies. Kung susuriing mabuti ang mga panukalang batas, kahalintulad ito ng ginawa sa University of the Philippines na nagbansag sa unibersidad bilang “national university” noong 2008. Binigyan ng piskal na otonomya ang UP at lalong inabandona ng estado ang pagpopondo rito. Bawat taon ay tuluy-tuloy na binawasan ang badyet, hanggang sa natulak itong magpatupad ng mga huwad na programa tulad ng STFAP para ipasa sa mga mag-aaral at sa mga komersyal na aktibidad ang pagsustento sa operasyon nito. Ganitong iskema ang nagbabadya sa UEP. Marami na ngang kabataan na hindi nakatutuntong ng kolehiyo. Kung babaguhin pa ang tsarter ng UEP, lalong magiging limitado ang oportunidad at akses nila sa edukasyon.
Sa pinalamutiang lenggwahe ng pagiging “globally-competitive,” layong ituon ang edukasyon ng UEP tungo sa dayuhang merkado imbis na sa lokal na pangangailangan ng mga Nortehanon at ng sambayanang Pilipino. Habang nais maglingkod ng kabataan sa sariling bayan, ipinagtutulakan naman sila ng estado at parang mga kalakal na ihinahanda para ieksport bilang murang lakas-paggawa.
Batid ng mga mag-aaral ng UEP ang layuning ito kaya noong Setyembre 17, araw ng Balik Kampus 2026 ng unibersidad, isinabit ng mga mag-aaral sa pangunguna ng pangkampus na pahayagang The Pillar ang balatengga na nagrerehistro ng kanilang pagtutol sa mga panukalang batas. Ngunit sa estilong tiraniko, ipinatanggal ito ng pangulo ng unibersidad na si Dr. Cherry Ultra. Nais ni Ultra na pagtakpan ang ilang taon nang pambabatikos sa palpak niyang panunungkulan lalo’t habol niyang palawigin ang termino sa ilalim ng bagong tsarter ng UEP. Paglabag ito sa karapatan sa malayang pamamahayag ng mga mag-aaral.
Ang ginawang pananabotahe ni Ultra ay sinalubong ng malakas na protesta ng mga mag-aaral. Napilitan ang unibersidad na ibalik ang balatengga, ngunit bilang ganti, kinansela nito ang Balik Kampus 2026. Hindi natuloy ang mga aktibidad ng mga estudyante at naaksaya ang matagal nilang paghahanda. Malinaw na sariling interes at interes ng mga kasapakat na burukrata kapitalista ang isinusulong ni Ultra imbis na pakinggan ang mga mag-aaral at komunidad ng UEP. Hindi na nga ito nanagot sa pagkakaaksidente ng estudyanteng nahulugan ng tiles sa ulo sa loob ng unibersidad noong Agosto 26, itinutulak pa nito ang ibayong pag-abandona ng estado sa tungkuling magbigay ng tunay na libre, dekalidad at makabayang edukasyon.
Saluduhan natin ang mga mag-aaral ng UEP at makiisa tayo sa kanilang pakikibaka. Batid nilang ang unibersidad ay dapat nagsisilbi sa mga mag-aaral at sa bayan. Hindi dapat sila magpatinag sa mga pagtatangka ng administrasyon ng UEP na patahimikin sila. Dapat silang suportahan ng mga mag-aaral sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa magiting nilang pagtindig para ipagtanggol ang pampublikong katangian ng unibersidad. Dapat ipaglaban ng mga kabataang-estudyante, guro, at komunidad ang makabayan, siyentipiko at makamasang edukasyon tungo sa pagpapalaya at pagpapaunlad ng bansa.
House Bills 9861 at 9414, ibasura!
Karapatan sa edukasyon at malayang pamamahayag, ipaglaban!
Makabayan, siyentipiko at makamasang edukasyon, ipaglaban!
The post Komersyalisasyon ng UEP, labanan! House Bills 9861 at 9414, ibasura! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.


